Kinilala ni Ret. Gen. Mike Hinlo, assistant general manager for security and emergency services ang honest cop na si Cpl. Jerry Soriano, nakatalaga sa Southwing Arrival Area ng naturang airport.
Tuwang-tuwa naman si dating senador Victor Ziga nang maibalik sa kanya ang kanyang bag na walang kulang.
Sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga kasalukuyan umanong nag-iinspeksyon si Cpl. Soriano sa arrival area matapos makalabas ang mga pasahero ng PAL flight PR 278 galing Legazpi, Albay nang mapansin nito ang isang itim na trolley bag malapit sa upuan.
Bilang security procedure, hindi muna ginalaw ni Soriano ang bag at sa halip ay ipinagbigay alam nito sa PNP Special Operations Unit at K-9 Unit na siyasatin ang bag para tiyakin kung may laman itong bomba.
Matapos sumailalim sa explosive search ang bag, nakumpirma na wala itong lamang bomba kayat agad itong dinala sa investigation room at doon binuksan.
Tumambad sa mga awtoridad ang pera, alahas at ibat iba pang gamit, gayundin ang isang phone book na nagtataglay ng pangalan ng dating senador.
Matapos matiyak na ito ay pag-aari ni Ziga, agad itong ibinalik sa kanya.
Nakatakda namang bigyan ng commendation at spot promotion si Soriano dahil sa ipinamalas nitong katapatan. (Ulat ni Butch Quejada)