^

Metro

24 SAF personnel sinibak sa pagpuga ng Pentagon leader

-
Dalawampu’t apat na tauhan ng Special Action Force (SAF) na nakadestino sa jail sa detention cell ng National Anti-Crime Commission’s Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) ang sinibak sa kanilang puwesto at nakatakdang sampahan ng kasong infidelity in the custody of prisoners at negligence kaugnay sa pagkatakas ng leader ng Pentagon group at dalawa pa sa nabanggit na piitan sa loob mismo ng Camp Crame, kamakalawa.

Kasabay nito, palaisipan ngayon kung sadyang pinatakas at hindi nakatakas sa mahigpit na pagbabantay ang Pentagon kidnap-for-ransom leader na si Faizal Marohombsar at dalawa pang sina Abdul Macaumpang at Rolando Patino.

Sa press briefing na isinagawa kahapon, nagpahayag ng paniwala si NAKTAF chief Deputy Director General Hermogenes Ebdane na hindi pa nakakalabas ng Metro Manila ang mga tumakas na suspect kung saan ipinag-utos nito ang malawakang pagtugis sa mga ito.

Binanggit pa nito na nakatuon ang kanilang imbestigasyon kung mayroong 3rd party na sangkot at tumulong sa mga suspect upang mapalitan ang padlock sa kanilang mga selda.

Kabilang sa mga sinibak ay sina Chief Inspector Pat Aromin, PO1 Rico Quanico at PO1 Dante Repulledo.

Sinisiyasat din ng NAKTAF ang posibilidad na sangkot umano ang kamag-anak ni Marohombsar na kagawad ng Special Action Force, gayunman sinabi ni Ebdane na hindi ito naka-duty ng maganap ang pagpuga.
NBI pasok rin sa pagpuga ng Pentagon leader
Inatasan naman ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Bureau of Immigration na makipagtulungan sa PNP para sa madaliang pagdakip kina Marohombsar.

Ayon kay DOJ Secretary Hernando Perez, ipinag-utos na niya kay NBI director Reynaldo Wycoco na magpadala sa PNP ng mga tauhan upang makipagtulungan para maibalik sa selda ang tatlong pugante.

Aniya, ang ginawang pagtakas nina Marohombsar ay isang paghamon sa pamahalaan, partikular na sa prosecution upang masukol ang mga ito dahil sa mabigat na ebidensiyang iniharap laban sa mga ito.

Kaugnay nito, bumuo na si Wycoco ng grupo ng mga ahente na siyang tutugis sa mga pugante.

Inalerto na rin ni Immigration Commissioner Andrea Domingo ang kanyang mga tauhan para hindi makalabas ng bansa ang tatlong takas.
GMA nagalit sa naganap na takasan
Naasar si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pagkatakas ng lider ng kilabot na Pentagon group.

Dahil dito, ipinatawag ng Pangulo sa Malacañang si incoming PNP chief Deputy Director General Hermogenes Ebdane para pagpaliwanagin tungkol sa naganap na pagtakas.

Sa panayam kay Ebdane, sinabi nito na bahagyang nagalit ang Pangulo sa naturang insidente, gayunman nangako ang papalit na PNP chief na tutugisin nila ang mga pugante.

Sinabi pa nito na dalawang anggulo ang tinutumbok ng kanilang imbestigasyon at ito ay ang posibilidad na sabotahe o nagkabayaran upang patakasin ang kidnap leader.

Dahil sa galit ng Pangulo, agad ipinatapon ang mga nasabing pulis na natakasan sa Halsema Highway sa Cagayan Valley para magbantay ng konstruksyon ng kalsada.
Inside job bubusisiin ng Kongreso
Pinaiimbestigahan naman ng Kongreso ang anggulo ng ‘inside job’ sa naganap na pagpuga ng lider ng Pentagon.

Ayon kina Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada at Cavite Rep. Crispin Remulla, masyadong kuwestiyonable ang pagkakatakas ng mga kidnappers sa loob pa mismo ng Camp Crame.

Ito ay matapos na isiwalat kamakailan ni Marohombsar na protektado umano ang kanilang grupo ng ilang matataas na opisyal ng pulisya at ng Malacañang.

Kinuwestiyon din ni Remulla si Ebdane dahil sa balitang tinangka umano nitong pagtakpan ang insidente.

Ganito ding imbestigasyon ang hinihiling ni Senator Tessie Aquino-Oreta. (Ulat nina Joy Cantos,Ellen Fernando,Ely Saludar, Malou Escudero at Rudy Andal)

ABDUL MACAUMPANG

ANTI-KIDNAPPING TASK FORCE

CAMP CRAME

DEPUTY DIRECTOR GENERAL HERMOGENES EBDANE

EBDANE

MAROHOMBSAR

PANGULO

SPECIAL ACTION FORCE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with