Bukod sa pagbatikos sa Department of Education ay mariin ring binatikos ng mga estudyante ang umanoy pangungunsinti ng administrasyon sa pagpapatupad ng bagong curriculum.
Nagmartsa sa paanan ng Mendiola ang mga estudyante habang isinisigaw ang kanilang pagkondena sa new curriculum na umanoy magpapadali sa kasalukuyang sistema ng edukasyon.
Sa ilalim ng new curriculum, ibinaba na lamang sa limang subjects ang dati ay napakaraming subjects na pag-aaralan ng mga estudyante na mahigpit namang tinututulan dahil nagpapababa umano ito sa pagiging nasyonalismo at kritikal na pag-iisip.
Nauna nang sinabi ni Education Secretary Raul Roco na tuloy ang implementasyon ng new curriculum dahil sapat umano sa materyales at pagsasanay ang mga guro.
Samantala, binalaan kahapon ni Civil Service Commission (CSC) Chairman Carina David ang lahat ng public school teachers na kanya itong parurusahan sakaling mapatunayang sumama sa protesta ng mga mag-aaral sa pagsisimula ng pasukan kahapon sa mga pampublikong paaralan.
Binigyang diin ni David na may naka-ambang parusa na kakaharapin ang mga public school teachers sakaling iwan nila ang kanilang trabaho at sumama sa protesta ng mga estudyante.
Libong mag-aaral ang nagsagawa ng protesta kahapon kaalinsabay ng formal opening ng klase sa mga paaralan para tuligsain ang tuition fee increase.
Ginigiit ng National Union Students of the Philippines (NUSP) di dapat maitaas ang tuition fee sa mga paaralan dahil di naman naiiangat ng pamahalaan ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Una rito, nilinaw din ni David na ikokonsedera din nilang absent sa trabaho ang mga guro na sumama sa student protest. (Ulat nina Ellen Fernando at Angie Dela Cruz)