Kasalukuyang nakadetine ang mga suspect na sina Marlon Papros, 24, ng Sta. Ana, Manila; Francisco Bucano, 43, ng Tramo, Barangay Rosario, Pasig; Gerry Martires, 29, at Henry Martirez, 43, ng Binangonan, Rizal.
Ang apat ay iniulat na inireklamo ni Eric Go, segment producer ng programa sa ABS-CBN News and Current Affairs at naninirahan sa Esguerra St., Diliman, Quezon City.
Binanggit ni Go na nagpasya siya na pahanginan ang gulong ng kanyang sasakyan nang mapansin niyang malambot ito habang binabagtas ang kahabaan ng Meralco Avenue sa Ortigas, Pasig.
Dinala niya ang kotse sa isang vulcanizing shop malapit sa Renaissance building kung saan ay hinarap siya ng isa sa mga suspect. Sa halip na hanginan lamang, tinanggal ng suspect ang gulong at interior nito at inilubog sa tubig kung saan nadiskubre umano na may siyam na butas na labis niyang ipinagtaka.
Matapos ang isinagawang pagbu-vulcanize siningil siya ng mga suspect ng P360. Dito na umano siya nagduda kaya pinababa rin niya ang kanyang spare tire upang patingnan at sinabing aayusin din ito bago siya nagtungo sa pulisya.
Nang muli nilang balikan ang vulcanizing shop ay naabutan pa nila ang apat na suspect na abala sa kanilang ginagawa. Dito nabulgar sa mga pulis ang isang matulis na bagay na kanilang ginagamit upang butasin ang interior ng gulong. (Ulat ni Danilo Garcia)