Ayon sa mungkahing ordinansa, panahon na upang matigil ang walang habas na paglalagay ng mga banderitas na pinababayaan na lamang matapos ang okasyon na siyang nagiging dahilan sa pagsabit ng mga ito kung minsan sa mga poste pa mismo ng kuryente.
Kapag maaprubahan, ang mga lugar kung saan magiging bawal ang paglalagay ng mga banderitas ay sa mga pampublikong lansangan, center islands, buildings at mga kagayang structures.
Binigyang-diin ng ordinansa na bukod sa nakakapagpapangit sa lungsod ang mga napabayaang nagdudumihan at sira-sira nang banderitas, sinisira din nito ang itsura ng mga gusali o structure na pinagsabitan ng mga ito.
Bukod sa mga ginagamit sa piyesta, sakop din ng ordinansa ang mga banderitas na ginagamit para sa anniversary promotions ng mga commercial at industrial na kompanya at sa mga lugar na kagaya ng iskinita, pathways o iba pang pampublikong lugar gaya ng mga plaza at parke.
Papayagan lamang ito kung may kalakip na permiso mula sa mayors office at matapos na makakuha ng rekomendasyon at kaukulang pahintulot mula sa barangay chairman na nakakasakop sa lugar. (Ulat ni Andi Garcia)