Binata nangholdap para maayos na libing ng lola

Dahil sa kagustuhan na mabigyan nang maayos na libing ang kanyang lola, isang 19-anyos na binata ang nangholdap ng isang empleyado ng gobyerno sa Pandacan, Maynila kamakalawa ng gabi.

Sinampahan na kahapon ng kasong robbery sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na nakilalang si Michael Sangalang ng Interior 34 Zamora St., Pandacan, Manila.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente habang ang biktima na nakilalang si Annaliza Cruz, 29, ng J. Posadas St., Punta Sta. Ana ay nag-aabang ng sasakyan sa panulukan ng Zamora at Quirino Avenue nang holdapin ng suspect.

Papatakas na ang suspect ng masakote naman ito ng mga nagpapatrulyang pulis.

Sa presinto, idinahilan ng suspect na kaya siya nangholdap ay upang mabigyan lamang ng maayos na libing ang yumao niyang lola. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments