Ito ang iniutos kahapon ni PNP Chief Director General Leandro Mendoza matapos ngang maging kontrobersiyal ang palpak na rescue operation ng Pasay City police na nagresulta sa pagkasawi ng biktimang si Dexter Balala at hostage taker na si Diomedes Talvo noong nakalipas na Biyernes.
Ayon kay PNP spokesman Sr. Superintendent Leonardo Espina, matapos na ilagay sa refresher course ang mga tauhan ng Pasay police sa nabanggit na pagsasanay, isusunod naman ang tropa ng pulisya sa kalakhang Maynila.
Sakaling mapulido na ang pulisya sa buong Maynila ay isusunod naman ang lahat ng police units sa buong bansa.
"The PNP is in the process of crafting a standard Program of Instruction on the subject," kung saan sinabi pa ni Espina na aayusin nilang mailagay sa curriculum ng mga pag-aaral ng pulis ang mga kaso nang pangho-hostage.
Samantala, kahapon ng madaling araw ay isinagawa ang re-enactment sa naganap na hostage tragedy noong nakalipas na Biyernes sa terminal ng Philtranco sa Pasay City at mismong sina Mendoza at mga opisyal ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) at Internal Affairs Service (IAS) ang sumaksi sa kaganapan para sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Kaugnay nito nagsimula nang mangalap ng donasyon si Mendoza para sa pamilya ng biktimang si Balala. Mismong sa tanggapan ni Mendoza inumpisahan ang pagbibigay ng abuloy at isinunod pa sa ibang departamento ng PNP sa Camp Crame para makakalap ng P5 M na siyang isinasaad sa resolusyong nilagdaan ng Senado.
Inamin naman ni Espina na mahihirapan silang makakalap ng P5 M para sa naulila ni Dexter dahilan sa sapat lamang ang pondo ng PNP para sa mga gastusin.(Ulat ni Joy Cantos)