Bagitong pulis binugbog ng dalawang dinakip

Isang bagitong pulis ang nakatikim ng mag-asawang flying kick buhat sa dalawang lalaki na kanyang hinuli dahil sa pagwawala, kahapon ng madaling araw sa Marikina City.

Agad na nagpagamot dahil sa tinamong bugbog si PO1 Virgilio Calanoga, nakatalaga sa Marikina Police Community Precint 1 sa Barangay Parang ng nabanggit na lungsod.

Sinampahan na rin niya ng kasong direct assault at physical injuries ang mga suspect na nakilalang sina Niel Nelibios, 35 at Roger Naval, 23, kapwa ng Bonanza Phase II, Parang.

Ayon sa ulat, nagresponde umano ang nabanggit na pulis kasama ang ilang barangay tanod sa naturang lugar dahil sa panggugulo ng mga suspect.

Agad na hinuli ng mga ito ang dalawang suspect at saka dinala sa istasyon ng pulisya. Habang iniimbestigahan ang dalawa ay dito na nagwala ang mga ito at halos sabay na tinadyakan ang pulis.

Huli na nang maawat ang dalawang suspect ng iba pang pulis sa istasyon dahil tinamaan na si Calanoga. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments