Nagpakilala ang suspek na isang Fr. Victor Robert Reyes, ng #1020 Nazareth St., Brgy. Caniogan, Pasig. Isa umano siyang pari sa Holy Trinity Chapel sa naturang barangay.
Nahaharap ito ngayon sa kasong estafa matapos na hindi magbayad ng may P606 halaga na kanyang nainom na beer at nakaing pulutan sa Greenhouse Bar and Grill sa may Rotonda, Brgy. Caniogan.
Ayon kay P/Chief Insp. Tomasino Clet, hepe ng Criminal Investigation Branch (CIB), pumasok umano ang suspek sa naturang beerhouse dakong alas-10:30 ng gabi at umorder ng beer at pulutan.
Ayon kay Juanita Samaniego, 23, cashier, matapos ang isang oras, hiningi na ng suspek ang kanyang chit ngunit nang makita ang halaga ay tumanggi itong magbayad.
Agad na tumawag sa police community precinct 6 si Samaniego at humingi ng tulong matapos na magwala umano ang biktima. Nang dumating ang mga awtoridad, naabutan ang suspek na nanghihina kaya nakiusap itong dalhin sa ospital para tingnan kung binugbog ng mga tauhan ng beerhouse ngunit itoy tumanggi.
Dito na dinala ng mga pulis ang suspek sa istasyon ng pulisya kung saan naglabas ng P500 para pambayad sa kanyang mga nainom ngunit tinanggihan na ng may-ari ng beerhouse.
Kasalukuyang kasama ngayon ng umanoy pari ang iba pang mga bilanggo sa Pasig detention cell. (Danilo Garcia)