2 miyembro ng sindikato ng pekeng antigo, tiklo

Dalawang miyembro ng isang sindikato na gumagawa ng mga pekeng antigong foreign coins ang nadakip ng mga awtoridad matapos na magtangka uling manloko sa isang money changer, kahapon ng umaga sa Mandaluyong City.

Nakilala ang dalawang nadakip na suspect na sina Faustino Gamier, 32 at Joshua Almajar, 26, binata ng Sinag Compound ng nabanggit na lungsod.

Inireklamo sila ni Nely Narra, 45, may-ari ng Henita Money Changer Shop sa may Sto. Cristo St., Edsa Central ng nabanggit na lungsod.

Sa kanyang salaysay, nabatid na unang nagtungo ang dalawang suspect sa kanilang money changer noong nakaraang Martes at nagpapalit ng dala nilang 150 piraso ng antigong barya ng Estados Unidos na may petsang 1898 at umabot sa halagang P2,250.

Nadiskubre lamang ng money changer na peke ang mga barya nang makaalis na ang mga suspect. Gayunman, dahil sa naging matagumpay ang kanilang operasyon muling bumalik kahapon ang dalawang suspect para magpalit ulit ng barya na dito na rin sila nadakip.

Patuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng pulisya para matukoy ang iba pang kasamahan ng dalawa sa sindikato. (Danilo Garcia)

Show comments