Birthday boy, di nangumbida, tinodas ng 6

Saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ng isang 26-anyos na lalaki sa mismong araw ng kanyang kaarawan mula sa anim na kalalakihan na hindi nito nakumbida sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Hindi na umabot ng buhay sa Mary Jhonston Hospital ang biktimang si Rodolfo Santos Jr., binata ng F. Varona st., Tondo sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang mga suspek na nakilala lamang sa alyas na Abet, Peping, Ace delos Reyes, Barok, Clarivan at Christopher dela Cruz.

Sa pagsisiyasat ni Det. Virgo Villareal, dakong alas-11:30 ng gabi ay ipinagdiriwang ng biktima ang kanyang kaarawan at mayroong nagaganap na kaunting salu-salo.

Nang maubusan ng alak at pagkain ay lumabas ito ng bahay para bumili sa tindahan.

Pagsapit sa harapan ng Bodega store sa may panulukan ng Varona at Dandan sts., ay hinarang ito ng mga suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak hanggang sa mapatay.

May hinala ang pulisya na posibleng nagalit ang mga suspek sa hindi pagkumbida sa kanila sa kaarawan ng biktima. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments