Tanod nagresponde sa gulo, binaril at napatay

Nabaril at napatay ang isang barangay tanod, samantalang isa pa ang nasugatan matapos na magresponde ang una sa isang kaguluhan, kamakalawa ng gabi sa Dagat-dagatan, Caloocan City.

Namatay habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital matapos magtamo ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ang biktimang nakilalang si Arnold Abella, 38, ng Brgy. Sabalo sa nasabing lungsod.

Samantalang kasalukuyang ginagamot sa nasabing pagamutan ang bystander na si Joelim Salazar, 15, estudyante, ng Blk. 33, Lot 5 Hipon Liit na nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay.

Makalipas ang ilang oras ay mabilis namang naaresto ang suspect na si Alexander Estrada, 32, habang nagpapagamot sa Tondo Gen. Hospital .

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:15 ng gabi ng maganap ang insidente sa Brgy. Talipapa.

Nabatid na nagresponde sa kaguluhan ang biktima kasama ang ilan pang tanod makaraang humingi ng tulong ang isang Miller Mula na umano’y sinuntok ng suspect.

Papalapit pa lamang ang grupo ng biktima sa suspect nang paulanan sila ng bala ni Estrada. Agad na napuruhan ng tama si Abella, habang nadamay naman na tinamaan din ng bala ang bystander na si Salazar.

Kasalukuyang nakapiit ang suspect sa Caloocan police detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments