Dating child star nadakip sa kotseng kinarnap

Nadakip ang isang dating TV child star kahapon ng Central Police District Office (CPD) matapos nitong itakas ang kotse ng isang negosyante sa Quezon City.

Kinilala ni Chief Inspector Roseller Arbolado, hepe ng Station Investigation Intelligence Bureau ng CPD Station 8 ang nadakip na suspek na si Vanessa Benedicto Valenzuela kilala sa pangalang ‘‘Sugar Benedicto’’, 25 anyos ng No. 55 M Raymond Marieta Romeo Village Cainta Rizal.

Si Valenzuela ay sikat na child star sa soap opera na ‘‘Anna Liza’’ na pinagbibidahan ng yumaong si Julie Vega.

Batay sa isinumiteng report ni SPO4 Willie Magundaca, may hawak ng kaso, dakong alas-11 ng umaga ng magtungo umano ang suspect sa bahay ni Noel Gomez, 40, ng No. 12 Calderon St., Project 4 QC upang bilhin umano ang kotseng ibinebenta nito na Corona Ex Salon na may plakang TRW-784 na nagkakahalaga ng P320,000.

Matapos umano ang usapan ay hiniling ng suspect na i-road test muna ang nasabing sasakyan at pumayag naman si Gomez na kasamang sakay ng kotse.

Ngunit hindi pa naman tuluyang nakakalayo ay inutusan ni Valenzuela ang biktima na bumaba ng kotse at ipa-zerox ang mga original receipt at registration ng kotse.

Agad naman tumalima si Gomez ngunit ng kanyang pagtalikod ay agad namang pinasibad ni Valenzuela ang naturang sasakyan.

Mabilis namang humingi ng tulong ang biktima sa kapitbahay na si Julian De Dios at hinabol ang tinangay na sasakyan ng huli.

Matapos ang ilang minutong habulan ay inabutan nina Gomez at De Dios ang suspect sa may Ortigas Ave., Pasig City.

Nakakita ng isang pulis si Gomez sa nasabing lugar at ito ay humingi ng saklolo hanggang sa maaresto ang suspect at agad na dinala sa tanggapan ng CPD Station 8 upang sampahan ng kaukulang kaso. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments