Pulis pinatay ng magkapatid

Dead on spot ang isang kagawad ng pulisya makaraang pagbabarilin ito ng isa niyang kabaro at kapatid nitong miyembro ng Phil. Navy (PN), kamakalawa sa Taguig.

Nakilala ang nasawing pulis na si SPO2 Henry Fajardo, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) at naninirahan sa Barangay Bicutan, Taguig. Ito ay nagtamo ng ilang tama ng bala ng baril sa katawan.

Samantala, ang magkapatid namang suspect ay nakilalang sina SPO2 Joseph Bombita ng Mandaluyong SWAT at Felicito Bombita ng Navy. Ang mga ito ay mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:45 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima.

Nabatid na kapitbahay ng biktima ang magkapatid na Bombita na walang sabi-sabing sumugod sa bahay ng una.

Pinaulanan ng magkapatid ng bala ng M-16 armalite rifle ang biktima matapos ang mainitang pagtatalo.

Hindi pa malinaw kung ano ang pinagtalunan ng biktima at mga suspect.

Patuloy naman ang imbestigasyon ukol sa kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments