Sa ulat ni Fernadino Tuason, hepe ng CIIS, ang naturang shipment ay nagmula sa Hecklers and Koch, Great Britain at naka-consign sa Trimark Ventures Corp. sa Makati City na pag-aari ni Ferdinand Trinidad.
Dumating ang shipment buhat sa Great Britain via Scoul, South Korea lulan ng Korean Air flight 621 noong Marso 29 at pansamantalang inimbak sa Pair Cargo, isa sa mga bodega ng BoC.
Ayon kay Victor Asuncion, intelligence agent ng CIIS, na nakadiskubre sa kargamento, ginawaran ng alert order ang shipment matapos makita sa x-ray machine ang hugis baril na imahe sa loob ng kahon.
Hindi muna umano binuksan ang mga kahon habang nagsasagawa ng masusing verification kung lehitimong transaksyon ang shipment, subalit nang makumpirmang walang packing list at kaukulang permit sa pag-iimport ng mga baril, kaagad itong kinumpiska at ginawaran ng warrant of seizure and detention.
Personal na pinamahalaan ni BoC Commissioner Antonio Bernardo, Deputy Commissioner Ray Allas at NAIA District Collector Celso Templo ang pagbubukas ng kahon kung saan tumambad ang ilang pirasong HK-G36, assault rifle, HK caliber .45 pistol, MP5K personal defense weapon (PDW) explosives, biological suit, magazines at bullet-proof vest.
Nabatid kay Allas na pito pang shipment umano ng Trimark ang dumating. Lima sa naturang shipment na pawang walang kaukulang permit ang inabandona samantalang ang ikaanim naman ay itinurn-over na sa Firearms and Explosives Unit.
Pinabulaanan naman ni Trinidad na illegal ang shipment dahil ang mga baril ay order umano ng AFP at PNP para sa anti-terrorism campaign nito. (Ulat ni Butch Quejada)