Misis ni insan sinulot, driver tinigok

Dahil sa sobrang selos, isang jeepney driver ang pinatay ng kanyang pinsan makaraang makumpirma umano ang namumuong relasyon sa kanyang asawa kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Namatay noon din ang biktimang si Salvador Borjal, 39, jeepney driver, ng Blk. 14 Lot 11, Villa Pangarap Moonwalk Village, Talon, sanhi ng mga tama ng samurai sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, ang suspek ay nakilalang si Eduardo Repalye alyas Eddie, 45, family driver, ng Blk. 4, Lot 12 Villa Pangarap, Moonwalk Village ay tumakas dala ang samurai makaraang mapatay ang pinsan.

Batay sa ulat ni SPO1 George Gabriel ng Criminal Investigation Division (CID), ang insidente ay naganap dakong alas-7 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Napag-alaman na bago naganap ang insidente, nagtagpo ang magpinsan sa harap ng bahay ng biktima nang komprontahin ng suspek ang pinsan nito.

Naghinala ang suspek kaugnay sa napapabalitang may namumuong relasyon sa panig ng asawa at ng biktima.

Ang akusasyon ay pilit itinatanggi ng biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo. Umuwi ng bahay ang suspek at kinuha ang kanyang samurai bago bumaba ng bahay upang haraping muli ang pinsan.

Papasok na ang biktima nang abutan ito ng suspek nang biglang pagtatagain sa iba’t ibang bahagi ng katawan na dagliang ikinamatay nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments