Tsinoy trader todas sa ambush

Inambus at napatay kahapon ng umaga ng dalawang armadong lalaki ang isang negosyanteng Filipino-Chinese na may-ari ng isang pabrika habang nasugatan naman ang tatlo nitong tauhan sa Valenzuela City.

Namatay habang dinadala sa Manila Central University Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Willie Chua, 47, ng Araneta Ave., Malabon City at may-ari ng Dainiki Marketing na dealer ng mga monoblock at houseware na matatagpuan sa no.14 Malinis st.,Lawang Bato.

Ginagamot sa nasabing ospital ang mga tauhan ni Chua na sina Maricel Miranda, 22; Lani Miranda at Abner Jatulan samantalang sinuwerte na hindi nahagip ng bala si Allan Bautista.

Sa ulat ng Valenzuela PNP, dakong alas-9 ng umaga ng tambangan ng dalawang armadong lalaki ang kotseng Nissan Sentra (WMJ-972) na sinasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng Lawang Bato Exit.

Sa pahayag ni Bautista, kagagaling lang umano nila sa bahay ni Chua sa Malabon at malapit na sila sa pabrika nang bigla na lamang silang pagbabarilin ng dalawang lalaki na armado ng Uzi at nakasakay sa isang motorsiklo.

Hinihinala ni Bautista na ang pagpatay sa kanyang amo ay may kaugnayan umano sa negosyo at mga pagkakautang nito.

Ang mga suspek na pinaniniwalaang mga hired killers ay mabilis na nakatakas habang narekober na mga pulisya ang basyo ng bala sa lugar ng insidente ang mga awtoridad. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments