GMA umaksyon sa 8 Pinoy na namatay sa Dubai

Pinakilos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang iba’t ibang ahensiyang nangangalaga ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para tulungan ang walong Pinoy na namatay sa gumuhong daungan sa Dubai noong Miyerkules.

Nauna rito, pinakilos ng pamahalaan ang Embahada ng Pilipinas sa Dubai na alamin kung mayroon pang mga Pinoy na nadamay sa pagguho ng pier.

Ito ang sinabi ni OWWA Administrator Wilhelm Soriano kahapon. Sinabi ni Soriano, pina-aasikaso ni Pangulong Arroyo na maibalik sa bansa sa lalong madaling panahon ang mga labi ng mga Filipino na namatay sa nasabing lugar.

Ayon kay Soriano, ikinalulungkot ng Pangulo ang nangyaring insidente sa pagguho ng daungan sa Dubai.

Sinabi ni Soriano, ang mga namatay ay nakilalang sina Rolando Romero, Arturo Rodriguez Jr., Ferdinand Velasco, Florante Mercado, Jose Consunji Jr., Jose Santos at isang nakilala lamang sa pangalang M.T Sumagang.

Gayunman, sinabi ni Soriano, na may walong Pinoy ang pinaghahanap matapos iulat na nawawala ang mga ito. Sila ay sinasabing sina V.C Gustilo, E.R. Canlas, G.S. Lucero, A.F. Pullido, H.S.M. Sanchez, C.G. Silang, S.A Basero at H.L Sumanga.

Ayon kay Soriano, may apat na survivors ang nagpapagaling sa Rashid hospital matapos silang mailigtas sa nasabing insidente ito ay nakilalang sina Frederick Pena, Ruben Debtian, Vicente Ferrer at Ernesto Beltran Jr.

Samantala, puspusan ang ginagawang pagtulong nina Ambassador Amable Aguiluz III, Labor Attache Mely Arriola at OWWA welfare officer Santos sa mga Filipinong biktima ng pagguho ng pier. (Ulat ni Butch M. Quejada)

Show comments