Malakas sumigaw ng 'stupid love' sa concert dinedo

Kamatayan ang kinahantungan ng isang binata sa malakas nitong pagsigaw ng "stupid love" sa isang concert ng grupong Salbakuta na nagpasikat ng nasabing awit kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng dalawang saksak sa katawan ang biktimang si Gerardo Bustarde ng Cottage 2-A, P. Burgos st.,10th Avenue.

Sa ulat ni PO2 Alberto Eustaquio,dakong alas-12 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa A. Mabini st., na kung saan ay kasalukuyang inaawit ng Salbakuta ang kanilang nasabing nag-click na kanta.

Ayon sa ilang mga saksi, aliw na aliw ang biktima sa pagsabay nito sa pagsigaw ng grupo ng stupid love na ikinagalit umano ng walong kalalakihan.

Inakala umano ng mga suspek na sila ang sinisigawan ng biktima kaya’t naasar ang mga ito at nilapitan ang huli at kinompronta.

Nangatuwiran ang biktima at sinabi sa mga suspek na hindi sila ang kanyang sinisigawan ng stupid.

Hindi naniwala ang mga suspek sa halip ay binantaan nito ang biktima na gaganti umano sila pagkatapos ng concert.

Nang matapos ang concert ay inabangan umano sa labas ng mga suspek ang biktima na noon ay kasama ang mga kaibigang sina Bryan Pentocoste at Renz Patricio.

Agad na inundayan ng mga suspek ng saksak sa katawan ang biktima at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments