Mag-utol rumesbak, 1 patay

Isang 20-anyos na binata ang namatay habang ang nakakatandang kapatid nito ay nasa kritikal na kondisyon matapos mabaril ng nakasagupang magkapatid kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Namatay habang ginagamot sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan si Alfredo Cedilla habang ang kapatid nitong si Paulito, 32, na kapwa residente ng D-2 Flexy Homes, Tala ay nasa kritikal na kalagayan.

Isa sa mga suspek na nadakip ay nakilalang si Romeo Reyes, 31, habang ang kapatid nito na si Alexander, 29, ay nakatakas.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-9:30 ng gabi ay papauwi ng bahay si Paulito ng masalubong umano nito si Romeo na may dalang itak at agad na siya ay tinaga.

Nakailag ito at humingi ng tulong kay Alfredo at kanilang niresbakan si Romeo.

Nang magpanagpo ay humantong sa isang rambulan at dito ay nabaril ang magkapatid na Cedilla. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments