Scholarship grants sa Pasay City

Nakatakdang bigyan ng tsansa ang mga kuwalipikadong estudyante mula sa Pamatansan ng Lunsod ng Pasay (PLP) na makakuha ng scholarship grants mula sa lokal na pamahalaan na nagsasagawa ng isang fund-raising project sa ilalim ng administrasyon ni Pasay City Mayor Wenceslao ‘Peewee’ Trinidad.

Bukod sa mga estudyante, mabibigyan din ng benepisyo ang mga residente ng lungsod na makakuha ng serbisyo sa Pasay City General Hospital (PCGH) dahil mula sa nasabing proyekto ay magbibigay din sila ng mga libreng gamot para sa mga Pasayenos na nabibigatan sa mataas na presyo ng mga goods at services sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Trinidad, nais nitong matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng nasabing proyekto.

Naniniwala si Trinidad, ang edukasyon ang siyang susi upang matupad ng isang kabataan ang kanyang mga layunin at pangarap sa buhay.

Ang nasabing fund-raising project ay isasagawa sa pamamagitan ng isang ballroom dancing na gagawin sa Abril 5, 2002 sa Cuneta Astrodome sa pakikipagtulungan ng City Tourism Office. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments