Ang kautusan ni Atienza ay kanya na ring ipinarating kay WPD Director C/Supt. Nicolas Pasinos na kanyang pinamahala sa paglilinis sa hanay ng mga tauhan at nasasakupan nito.
Sinabi ni Atienza, mapipilitan siyang gumawa nang hindi kanais-nais na hakbang kapag hindi nagpakita ng magandang resulta ang pamunuan ng WPD.
Ayon dito, sisibakin niya sa puwesto ang mga scalawag na pulis na ang kadalasan ay nairereklamo nang pangingikil sa kanyang tanggapan.
Sinabi ni Atienza, na naniniwala siya sa kakayahan ni Pasinos na magsibak sa puwesto sa ilang tiwaling pulis nito sa ginagawa umanong pangongotong sa mga turista.
Gayunman, nadismaya si Atienza hinggil sa kakulangan ng kapangyarihan ng lokal na pamahalaan na makontrol at mapangasiwaan ang kapulisan kaya nahihirapan ang una na direktang madisiplina ang mga ito.
"Kailangan sigurong pag-aralan ng gobyerno na mabalik ang kontrol ng kapulisan sa local government para may kamandag silang maaksyunan ang reklamo laban sa kotong cops," ani Atienza.
Sinabi ni Atienza, kailangan mapawi ang pangamba ng mga mamamayan ng lungsod ng Maynila na hindi matitino ang mga tagapamahala ng peace and order sa lungsod. (Ulat ni Ellen Fernando)