Balut vendor pisak sa tren

Hindi na nakuhang sumigaw ng balut ang isang 40-anyos na tindera ng chicharon at balut ng mahagip ito ng rumaragasang tren na ikinasawi niya kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.

Nagkalasug-lasog ang katawan at halos hindi na makilala ang biktimang si Luz Trinidad, ng Barrio Camatsille PNR Compound, Tondo, Manila matapos siyang makaladkad sa ilalim ng tren at madurog ang bungo nito.

Base sa imbestigasyon ni SPO4 Crispin Sarmiento ng WPD Station 2, naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga. Galing umano ang biktima sa palengke matapos siyang mamili ng ititindang balut at chicharon.

Habang naglalakad umano sa gilid ng riles ng tren ang biktima ay biglang dumating ang rumaragasang tren sa may Tayuman station ng PNR, iniwas nito ang dala niyang basket na puno ng kanyang paninda.

Sa pag-iwas ng biktima sa dala niyang basket ay siya ang nahagip ng tren samantala mabilis naman tumakas ang drayber ng nasabing sasakyan.

Sa kasalukuyan nasa punerarya ang labi ng biktima. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments