Sumuko si Aparri dakong alas-6 ng gabi noong Peb. 9 matapos isaayos nina NBI Anti-Organized Crime Division chief Atty. Rogelio Mamaril at Phil. Army Major Emmanuel Sison ang kanyang pagsuko.
Napag-alamang tumawag sa tanggapan ni Mamaril si Sison upang ipagbigay-alam na nais sumuko ni Aparri upang malinis ang kanyang pangalan sa kontrobersyal na kasong pagdukot at pagpatay kay UST student Mark Wilson Chua, 19.
Si Aparri ay sinamahan ng kanyang abogadong si Atty. Abner Roxas nang magtungo sa NBI kung saan kasalukuyang nakapiit sa NBI jail.
Itinanggi naman ni Aparri na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Chua. Sinabi nitong malinis ang kanyang konsensya at walang kinalaman sa pagpatay kay Chua noong Marso 15, 2001 sa UST.
Si Chua na nagbulgar ng katiwalian kaugnay sa ROTC sa UST ay natagpuang patay at lumulutang sa Pasig river makalipas ang tatlong araw.
Maliban kay Aparri, itinuturo ring suspect sa pagdukot at pamamaslang sina Michael Von, Rainard Manangbao, Eduardo Tabrilla at Paul Joseph Tan. (Ulat ni Ellen Fernando)