Vietnamese arestado sa tangkang pagtakas sa 'hit & run' victim

Nasakote ng mga operatiba ng Western Police District ang isang 40-anyos na Vietnamese national matapos ang ilang minutong habulan nang magtangkang tumakas ng makasagasa ng isang lalaking nagbibisikleta sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence in homicide and damage to property sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na kinilalang si Nguyen Quan Huang, walang permanenteng tirahan.

Samantala ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ay nakilalang si Arnold Lapena, 28, ng Kagitingan St., Tondo, Maynila bunga ng matinding pagkakabagok ng kanyang ulo.

Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO4 Manuel Cenon, may hawak ng kaso ng WPD-Traffic Bureau, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Roxas Blvd at Quirino Ave., Malate.

Ayon sa mga saksi, lulan umano ang biktima ng kanyang bisikleta nang bigla na lamang mahagip ng sasakyan ng suspek na isang Mazda 323 na plakang UNN-125.

Sa tindi ng pagkakasalpok sa biktima ay tumilapon ito ng ilang metro na naging dahilan ng pagkakabagok hanggang sa malagutan ng hininga.

Kasalukuyan na ring inaalam ng Bureau of Immigration kung ang nasabing dayuhan ay may kaukulang permit sa bansa sa isang legal alien. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments