Kinilala ni Supt. Pablo Cordeta, hepe ng Manila Fire Dept. ang biktimang si Antonio Lacanlale, ng 341 San Bartolome St., Tondo. Natagpuan ang biktima matapos isagawa ng mga kagawad ng pamatay-sunog ang mopping operation.
Samantala, ang dalawang paslit na hindi pa nakikilala ay patuloy na pinaghahanap ng mga bumbero matapos mapaulat na huling nakitang naglalaro sa loob ng isang bahay na naabo sa panulukan ng Zaragosa at 14th Sts. na siyang pinagmulan ng sunog dakong alas-10:30 ng umaga.
Sinasabing umabot sa 70 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga kabahayan.
Ayon kay Senior FO4 Danilo Talusan, arson investigator, tinatayang P4 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang natupok ng apoy.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa isang abandonadong bahay na sinasabing madalas paglaruan ng ilang mga bata lalot abala ang kanilang mga magulang sa pang-araw-araw na gawain. (Ulat ni Ellen Fernando)