Luxury car ng senador na-carnap

Sa ikalawang pagkakataon, nanakawan ng sasakyan si Sen. John Osmeña kamakalawa ng gabi sa harap ng EDSA Shangri-la Hotel sa Mandaluyong City.

Sinabi ni Osmeña na nasa loob pa siya ng hotel nang balitaan siya na nawawala ang kanyang puting Toyota Land Cruiser na may plakang 7 sa unahan at WWW-717 sa huli.

Katatapos lamang ng miting ng Congressional oversight committee on power sa naturang hotel dakong alas-11:30 ng gabi ng madiskubre ang pagnanakaw.

Ayon sa driver nitong si Ed Batian, iniwanan niya ang sasakyan ng senador at sumaglit siya sa comfort room ngunit pagbalik niya ay wala na sa paradahan ang sasakyan.

Hindi umano napansin ng ibang driver ang pag-CR ni Batian kaya inakala ng mga ito na siya pa rin ang nagmamaneho ng Land Cruiser ng biglang umandar ito. Noong 1984 ay nawalan na rin ng kotse si Osmeña. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments