Sinabi ni Dra. Rosalyn Sarmiento, na binawian ng buhay si Elenzano dakong alas-11:18 ng umaga habang nasa Intensive Care Unit (ICU) ng Medical City Hospital sa Mandaluyong City. Isang malaking biyak sa ulo ang naging sanhi umano ng kamatayan nito na halos ikaluwa ng utak nito.
Idineklarang ligtas naman ng mga doktor ng naturang pagamutan ang kanyang driver na si PO2 Honorato Quintero, 29, nakatalaga sa CPD office, maging ang nakabangga sa kanila na si Ruel Livado, ng No. 141 Maya St., Unit V. Commonwealth, Quezon City.
Sa ulat ni SPO1 Sixto Paulino, ng EPD Traffic Management Unit, naganap ang aksidente dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Julia Vargas Ave., at Rodriguez Lanuza Ave., sa Brgy. Ugong, Pasig.
Nabatid na binabagtas nina Elenzano sakay ng kanyang Nissan Sentra na minamaneho ni Quintero ang kahabaan ng Lanuza Ave. nang salpukin sila ng Mitsubishi L-300 van (WLC893) na minamaneho naman ni Livado na patungo namanng C-5 road.
Dahil sa lakas ng banggaan, nabatid na nawasak kapwa ang unahan ng dalawang sasakyan kung saan pinakamalubhang naapektuhan ang opisyal ng pulisya na nasa kanang harap ng kanyang kotse. (Ulat ni Danilo Garcia)