2 lola tiklo sa pagpupuslit ng shabu sa Makati jail

Dalawang lola at isang ginang ang dinakip ng isang jail officer nang maaktuhang nagpupuslit ng droga sa Makati City Jail kamakalawa.

Ayon kay Jail Officer 1 Evamarie Tenedora, dakong alas-11:30 ng umaga nang una niyang madakip si Herminia Ramos, 62, biyuda, taga-Siquijor St., Brgy. Pitogo ng lungsod na ito habang dadalawin sana nito ang anak na si Antonio at ang manugang na si Conrado Villanueva, kapwa may kasong droga.

Nabatid kay Tenedora na habang kinakapkapan niya si Ramos ay nakita niya sa laylayan ng suot nitong pantalon ang isang plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Dakong alas-3:16 ng hapon naman nang madakip si Beatrice Aguinaldo, 75, taga-# 8638 San Jose St., Brgy. Guadalupe Nuevo ng lungsod na ito habang dinadalaw ang anak na si Antonio. Nakumpiska rito ang isang plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Samantala, ang ikatlong suspect na si Angelina Angeles, 37, may asawa, ng #2063 Pascua St., Brgy. Kasilawan, Makati ay natiklo dakong alas-2 ng hapon at nakuhanan ng isang plastic sachet ng shabu.

May hinala si Tenedora na supply ang mga droga sa kanilang binibisita.

Ang tatlong suspect ay nasa custody ng Drug Enforcement Unit (DEU) at nahaharap sa kasong paglabag sa Illegal Drugs Act. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments