Patay na bago dumating sa Lanting General Hospital si Romy Reyes, may-asawa ng Old Sauyo Road, Brgy. Sauyo, Novaliches matapos na magtamo ng maraming saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Ang dalawang suspek ay agad na tumakas na kung saan ang isa dito ay nakilala lamang sa alyas na Ampang.
Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-2:45 ng madaling araw habang ang biktima ay nakatayo sa gilid ng barangay hall nang biglang sumiklab ang isang riot ng dalawang grupo.
Sa gitna ng sagupaan ay nagliparan ang mga bato at aksidenteng tinamaan ng bato ang biktima.
Sa galit ng biktima ay kinompronta nito ang dalawang grupong nagsasagupaan ngunit agad siyang hinarang ng dalawang suspek at agad na inundayan ng mga saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Iniwang nakalugmok ang biktima sa gitna ng kalye ng mga suspek. (Ulat ni Jhay Mejias)