Coed pinag-ayos ng computer ng kapitbahay hinalay

Nakapiit ngayon ang isang 32-anyos na binata matapos na akusahan ng kanyang 18-anyos na kapitbahay na estudyante ng panggagahasa sa loob ng kanyang bahay, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Nakilala ang suspect na si Valentine Buban, residente ng Blk. 1 Lot 22 Sta. Lucia Bliss, Brgy. Sta. Lucia ng lungsod na ito.

Ayon sa biktimang si Karen (di-tunay na pangalan), estudyante ng Philippine School of Business Administration (PSBA) sa Quezon City, naganap ang panghahalay sa kanya dakong alas-10 ng gabi sa loob ng bahay ni Buban.

Sinabi nito na tinawag umano siya ng suspect upang magpatulong kung paano buksan ang bagong biling computer set nito sa loob ng bahay.

Kapapasok pa lamang umano niya sa naturang bahay nang tutukan na siya ng suspect ng balisong at kaladkarin sa kuwarto nito. Dito umano siya puwersahang hinubaran at ginahasa ng suspect habang nakatutok ang balisong.

Matapos na makaraos, tinakot pa umano siya ng suspect na huwag magsusumbong dahil sa babalikan siya nito at papatayin.

Sa kabila ng pagiging positibong ginahasa ang biktima sa medical examinations, itinanggi pa rin ito ng suspect at sinabing kasintahan umano niya ang biktima at kusa itong nagpaubaya sa kanya. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments