Sinabi ni DOJ Chief State Prosecutor Jovencito Zuño na hinihintay na lamang nila ang pormal na kahilingan ni Las Piñas Prosecutors Office Chief Olma Maria Luisa Inocentes para sa pagpapadala ng karagdagang mga piskal na tututok sa kaso ng pinaslang na dating child star.
Matatandaan na tatlong tama ng bala ang bumaon sa ulo ni Strawberry matapos paulanan ng bala ng baril ng dalawang hindi pa nakikilalang kalalakihan dakong alas-4:15 ng madaling-araw noong Disyembre 18 sa loob ng BF International Subd., Las Piñas City.
Sinabi ni Zuño na magtatalaga siya ng mga DOJ State Prosecutors sa oras na kailanganin ang kanilang tulong.
"Ang hinihintay ko na lamang ay ang kahilingan ni Fiscal Inocentes kung kakailanganin nila ang aming tulong para sa karagdagang prosecutors. Kung sa DOJ naman direktang babagsak ang kaso ay may inihahanda na rin akong mga piskal para diyan," ani Zuño.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin masiguro kung kasama sa mga akusado ang kasintahan ni Strawberry na si Jhon Mark Doromal dahil sa paglalantad ng ilang testigo na mga tauhan nito umano siya ang nakapatay sa aktres.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Zuno na kung sa DOJ direktang ibibigay ang kaso ay kaagad niya itong paaaksiyunan sa kanyang mga piskal.
Nabatid mula sa pinakahuling ulat na hawak na umano ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kaso kung saan ay isinampa na sa hukuman ang kaso laban sa magkapatid na Ronald Glen at Ryan Picar na siyang itinuturo ni Doromal na nakapatay sa kanyang kasintahan. (Ulat ni Grace Amargo)