Ang panawagan ay ginawa ni Quezon City Rep. Reynaldo Calalay kaugnay sa patuloy na pagdagsa ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.
"Nananawagan ako sa mga kinauukulan na ibaba ang pasahe sa mga pampublikong sasakyan kabilang na ang pamasahe sa eroplano at barko. Makatwiran naman ito kung susumahin lamang ang pagbaba ng presyo ng krudo at pagtatag ng piso," pahayag ni Calalay.
Dapat lamang umanong makatikim ang mga mahihirap na mamamayan ng kaunting pakunsuwelo ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.
Sinabi pa ni Calalay na ang pagbaba ng pamasahe ngayong Kapaskuhan ay isang paraan upang maiparamdam sa publiko ang diwa ng Pasko.
Naniniwala pa ang kongresista na lalong dadagsa ang mga pasahero patungong probinsiya kung ibababa ang pamasahe.
Kung hindi umano magkukusa ang mga may-ari ng pampublikong sasakyan at maging ang mga may-ari ng eroplano at barko na ibaba ang pamasahe ay dapat pag-aralan ng pamahalaan kung paano ito maipatutupad sa lalong madaling panahon. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)