Pasyente tumalon mula sa ika-5 palapag ng ospital

Dahil sa labis na depresyon dulot ng malubhang karamdaman, isang 45-anyos na pasyente sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang nagpakamatay sa pamamagitan nang pagtalon mula sa ika-5 palapag ng pagamutan, kamakalawa.

Nakilala ang nagpatiwakal na si Eduardo Baraquel na nagkalasog-lasog ang buto at nabasag ang bungo makaraang bumagsak sa semento mula sa ika-5 palapag ng gusali.

Ayon kay PO3 Juan Mortel, ng Criminal Investigation Unit ng Central Police District (CPD) bago pa man naganap ang pagpapakamatay ni Baraquel dakong alas-11:30 ng tanghali ay napansin na ang pagiging aburido at pagkabalisa nito dala ng iniindang karamdaman.

Nabatid pa na nagpaalam ang nasawi sa kanyang bantay na magpapahangin lamang sa 5th floor kung kaya hindi naman ito pinigilan.

Nagulat na lamang ang bantay nito nang maulinigan ang komosyon sa labas ng pagamutan at nang sila ay makiusyoso ay bumulaga sa kanila ang kanilang kaanak na nakahandusay at duguan.

Hindi na nagawa pang maisalba ng mga manggagamot sa pagamutan ang buhay ni Baraquel dahil sa matinding inabot na pinsala sa katawan. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments