Sikyu tinarakan ng 2 akyat-bahay

Dahil sa pagsita sa dalawang kabataang hinihinalang mga miyembro ng akyat-bahay gang na pumasok sa binabantayang subdivision, nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang security guard matapos na pagsasaksakin siya ng mga ito kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon ngayon sa Amang Rodriguez Medical Center (ARMC) ang biktimang nakilalang si Chofilo Venasoy, 26, binata, miyembro ng K-9 Security Agency at nakatalaga sa Loyola Grand Villa, Brgy. Concepcion 1, ng lungsod na ito.

Sa pagsisiyasat ni PO2 Virgilio Cayetano, ang insidente ay naganap dakong alas-10:45 ng gabi sa harap ng naturang subdivision. Nagsasagawa ng patrolya ang biktima nang makita nito ang dalawang kabataang lalaki na nakapasok sa pamamagitan ng pagtalon sa pader.

Sinita ng biktima ang mga suspect ngunit agad siyang sinaksak ng mga ito. Nagtamo ang biktima ng tatlong tama ng saksak sa katawan at likod. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments