Ayon sa mga imbestigador ng WPD na humahawak sa nasabing kaso, sapat na umano ang kanilang nakalap na mga ebidensya upang idiin si Matibag na siyang utak sa pag-ambush at pagpatay kay Cinco.
"Meron na kaming sapat na circumstantial evidences laban kay Matibag at kay Francisco, siya ang positibong itinuturo ng mga witnesses na bumaril kay Cinco," anang Supt. Federico Castro, spokesperson ng Task Force Cinco ng WPD.
Sinabi rin ni Castro na naistablisa nila ang kaugnayan nina Matibag, ang gunman na si Francisco at look-out na si Conrado Robles.
Gayunman, iginiit ni Castro na ang pagsasampa ng kaso laban kina Matibag at Francisco ay hindi pa nila ikino-coordinate sa National Bureau of Investigation (NBI) na gumagawa naman ngayon ng hiwalay na imbestigasyon sa Cinco slay.
Nakakuha rin ng pangunahing development sa imbestigasyon sa kaso matapos na kumpirmahin ng mga ballisticians ng WPD na ang slug na nakuha sa katawan ng napaslang na si Cinco ay may posibilidad na nagmula sa mga baril na nakumpiska sa close-in bodyguard ni Matibag na si Francisco.
Samantala, ang mga dinakip na suspect na sina Rodolfo Fortich at Ricardo Tumambing na iniharap sa media ay pansamantalang klinaro sa krimen. Sina Fortich at Tumambing ay hindi nag-match sa mga larawan ng dalawang ipinalabas na cartographic sketch ng WPD sa Cinco ambush-slay. (Ulat ni Ellen Fernando)