Ang kinasuhan ay si Conrado Robles, ng Barangay Malakimpook, San Pascual, Batangas at dalawa pang hindi nakikilalang kalalakihan makaraang positibo itong ituro ng mga testigong sina Marian Jayme, 47 , kapatid ng nasawing si Cinco at anak nitong si Carlo Hubert Cinco.
Magugunitang una nang kinasuhan si Robles ng illegal possession of firearm matapos itong mahulihan ng isang baril na walang kaukulang dokumento, gayunman sinampahan ito ng murder at frustrated murder makaraang ituro ng mga kaanak ni Cinco na isa ito sa tumambang sa kanila noong nakalipas na Nobyembre 20.
Sinabi ni Robles sa isinagawang imbestigasyon na isang nagngangalang Col. Ernesto Matibag, kapatid ni Atty. Angelina Matibag ng komisyon ang nag-isyu sa kanya ng baril.
Naniniwala naman ang NBI na malapit nang malulutas ang kasong pagpaslang kay Cinco na siyang Education and Information director ng Comelec.
Ito ay matapos na matumbok nila at matukoy nila ang utak sa isinagawang pagpaslang.
Ayon kay NBI director Reynaldo Wycoco na nagkaroon ng breakthrough sa kaso makaraang makilala na ang trigerrman na si Mario Francisco, isang close-in security ng itinuturong utak sa pagpaslang na si Atty. Matibag.
Samantala, itinanggi naman ni Col. Matibag, chief ng military review and investigation division, Office oflegal Affairs ng Department of National Defense na utak sa pagpaslang kay Cinco.
" I vehemently denied I issued mission order to one Conrado Robles, the alleged suspect in killing Miss Cinco. Its impossible for me to do that because I am not authorized to issue such an order", pahayag pa ni Matibag.
Kasabay nito, binatikos din ni Matibag ang NBI sa umanoy pagdukot ng mga ito kay Robles at sinabing suspect sa pagpaslang kay Cinco.
Isang manhunt operation naman ang inilunsad ng NBI laban sa triggerman na si Francisco. (Ulat nina Andi Garcia, Grace Amargo, Ellen Fernando at Joy Cantos)