Utak sa Cinco ambush kilala na

Bunsod sa pagkakaaresto sa sinasabing "triggerman" sa pamamaslang kay Commission on Elections Director for Education and Information Division (Comelec-EID) Velma Cinco, malaki ang posibilidad na tuluyan nang mahubaran ng maskara ang tunay na mastermind o utak sa naturang krimen na pinaniniwalaang isang mataas na opisyal din ng nabanggit na ahensiya.

Ito ang hinala ng pinagsanib na puwersa ng tauhan ng Western Police District-Task Force Cinco at ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraang maaresto nila ang pinaniniwalaang triggerman ni Cinco sa Batangas City na nakilalang si Conrado Robles, dating kawani ng Comelec-EID.

Pinabulaanan naman ni Robles ang akusasyon laban sa kanya at sinabing look-out lamang siya sa naganap na pag-ambush kay Cinco, gayunman pormal nang isinampa laban dito ang kasong illegal possession of firearm at murder sa Department of Justice (DOJ).

Ang pagsasampa ng kaso laban kay Robles ay base sa nakumpiskang kalibre 9mm na inisyu ng isang Ret. Col. Matibag na malaki ang paniwala ng awtoridad na siyang ginamit ni Robles sa pamamaril kay Cinco.

Gayunman, nang kapanayamin ang dating Comelec-EID na si Atty. Angelina Matibag, hindi nito itinanggi na kakilala niya si Robles bagkus ipinagtanggol pa niya na hindi ito ang isa sa mga pumatay kay Cinco.

Dahil sa naging pahayag na ito, pinagdudahan ng Task Force Cinco si Matibag at naniniwala silang may kinalaman talaga umano ito sa pamamaslang kay Cinco. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments