Sa ulat na tinanggap ni PNP-ASG director, Chief Supt. Marcelo Ele Jr. mula kay Sr. Supt. Danilo Florentino, hepe ng 2nd Regional Aviation Security Office (RASO), ang suspect ay nakilalang si Datu Isra Madag, residente ng 120 Usilen St., Cotabato City at pansamantalang nanuluyan sa Muslim Mosque, Quiapo, Manila.
Si Madag na gumamit ng huwad na pangalang Jasper Sumangudatu sa tiket nitong binili sa Philippine Airlines ay nasakote dakong alas-8:20 ng umaga sa NAIA Centennial Terminal 2.
Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Ramon Bernardo, nakatakda na sanang umalis ng Maynila patungong Cotabato ang suspect lulan ng PAL flight PR-187 nang masakote sa Final Security Check.
Kasalukuyan umanong sumasailalim sa security check si Madag nang mapansin ni Angelito Mercado, isang PNP-ASG non-uniformed personnel, ang kahina-hinalang kilos ng suspect.
Habang kinakapkapan ni Mercado si Madag sa dalawang binti, tinabig umano ng suspect ang kamay ng una at pinagbawalang huwag siyang kapkapan.
Napansin din ni Mercado ang kakaibang haba at tambok ng sapatos ng suspect kaya agad niya itong kinapa at tinanong kung bakit malaki.
Nang hubarin ng suspect ang kanyang suot na sapatos ay bumungad sa paningin ng mga awtoridad ang tigatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu na nababalutan ng makapal na scotch tape sa magkabilang dulo ng paa ni Madag.
Inamin ng suspect na inupahan siya ng umanoy shabu supplier na nakabase sa Muslim Mosque ngunit nabigo itong pangalanan ang taong nag-utos sa kanya, gayundin naman ang nagsisilbing contact person nito na babagsakan ng shabu pagdating sa Cotabato. (Ulat ni Butch Quejada)