Vital witness sa Cinco ambus lumutang

Inilabas na kahapon ng Task Force Cinco ng Western Police District ang cartographic sketch ng dalawang trigger men na umambus at nakapatay kay Commission on Elections information chief Velma Cinco noong nakalipas na Nobyembre 20.

Ayon kay WPD Task Force Cinco spokesman Supt. Federico Castro, ang naturang sketches ng dalawang suspect ay base na rin sa pagsasalarawan ng lumutang na isang pangunahing testigo na hindi muna binanggit ang pangalan na nakasaksi sa isinagawang pagpaslang kay Cinco.

Inilarawan ng witness ang isang suspect na may suot na bonnet at sinasabing nakaangkas sa motorsiklo. Ito rin umano ang siyang unang nagpaulan ng bala ng baril sa Comelec official. Ang suspect ay tinatayang nasa edad na 35-40, may taas na 5’9’’ at kayumanggi ang kulay.

Habang ang isa sa mga suspect na siyang nagmamaneho ng motorsiklo na sinasabing nagpaputok rin ng baril sa biktima ay tinatayang nasa gulang na 40-45, may taas na 5’9’’, malaki ang pangangatawan at kayumanggi rin ang kulay.

Sinabi pa ni Castro na pagtutuunan muna nilang makuha o madakip ang mga salarin at pagkatapos ay isusunod na nila ang utak sa naganap na krimen.

Nakipag-ugnayan na rin ang WPD sa NBI na nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon upang mapag-isa ang nakalap nilang mga impormasyon at ebidensiya para sa agarang ikalulutas ng kaso. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments