Abalos umapelang huwag buwagin ang MMDA

Personal na umapela kahapon sa harap ng mga mambabatas si Metro Manila Development Authority Chairman Benjamin Abalos na huwag nang ituloy ang planong pagbuwag sa MMDA.

Sa isinagawang public hearing ng House Committee on government reorganizations at committee on revision of laws, sinabi ni Abalos na kung maaari ay amiyendahan na lamang ang Republic Act 7924, ang batas na lumikha sa MMDA at huwag itong ibasura.

Ipinaliwanag pa ni Abalos na napakaraming trabaho ang ginagampanan ng MMDA na kinabibilangan ng pagpaplano, pangangasiwa sa transportasyon at trapiko, paghahanap ng mapagtatapunan ng basura, pagkontrol sa baha, pagkontrol sa polusyon at marami pang iba.

Ikinatwiran naman ni Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo, awtor ng panukalang magbubuwag sa MMDA na ang trabaho ng ahensiya ay duplikasyon lamang ng ginagampanan ng ibang ahensiya ng pamahalaan na maaari na umanong ipasa sa mga local government units.

Subalit naging bukas din si Gunigundo sa apela ni Abalos na nagmungkahing bumuo ng isang technical working group ang Kongreso na mag-aaral kung ano ang mga tungkuling aalisin sa MMDA upang mas maging epektibo sila sa pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng Metro Manila.

May katulad ding batas na nakahain sa Senado na humihiling na buwagin na ang MMDA na inakda naman nina Senators Vicente Sotto III at Juan Flavier.

Samantala, nagsagawa naman ng isang kilos-protesta sa harap ng Batasan ang mga empleyado ng MMDA na kasapi ng Sandigan ng mga Kawani’t Manggagawa ng Mamamayan sa Kamaynilaan (SAKAMAY) upang hilingin sa mga mambabatas na huwag ituloy ang kanilang plano. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments