Binawian ng buhay kahapon ng madaling-araw ang biktimang si Avelino Boja, 18, binata, at nakatira sa #547-F P. Santos St., Malibay, Pasay City makaraang mabasag ang bungo nito at magkalasug-lasog ang katawan dahil sa pagtalon.
Ayon sa pulisya, naka-confine sa ospital ang biktima bago tumalon sa ikaapat na palapag dakong ala-4:45 ng hapon.
Bago maganap ang insidente, sinabi ng biktima sa kanyang kapatid na si Juanito na gusto na niyang magpakamatay dahil sa paghihirap sa kanyang karamdaman.
Pinayuhan naman siya ni Juanito na huwag gawin iyon dahil malulunasan na ang kanyang sakit.
Ilang sandali ay umalis si Juanito upang bumili ng gamot at inihabilin niya ang kapatid sa katabing nagbabantay ng ibang pasyente.
Nang bumalik ito sa silid, nagtaka ito nang makitang wala ang kanyang kapatid. Inakala niyang nasa CR ito kung kayat kinatok niya ito subalit wala namang sumasagot.
Napansin ni Juanito na bukas ang bintana kayat sumilip ito. Nagulat siya nang makita ang kapatid na nakatayo sa gilid ng gusali. Nagsisigaw si Juanito para pigilan ang kapatid subalit huli na dahil tumalon na ito.
Nagmadali siyang bumaba at pinuntahan ang kanyang kapatid na duguan at isinugod sa ospital subalit namatay din ito matapos ang masusing operasyon. (Ulat ni Lordeth Bonilla)