Kinilala ni Reynaldo Rillo, on-duty supervisor ng Bureau of Immigration sa NAIA ang mga dayuhang sina Salim Davabi, 36, tubong Ardabil, Iran at Areqou Arefi Sigaroudi, 28, tubong Tehran.
Ang dalawa ay dumating kahapon lulan ng Malaysian Airlines flight MH-704 mula sa Kuala Lumpur via Bangkok, Thailand.
Hindi na binigyan ng pagkakataon ng mga awtoridad na tumagal pa ng ilang oras sa bansa ang mga suspect kung kayat kaagad na pinabalik ang mga ito sa kanilang point-of-origin.
Nabatid na walang malinaw na opisyal na gawain at walang tiyak na tirahan sa bansa sina Davabi at Sigaroudi kung kayat kaagad na ipinasailalim sa profiling procedure.
Inamin nina Davabi at Sigaroudi, na ang kanilang ipinakitang pekeng Italian passports ay kanilang binili sa Bangkok sa halagang $5,000.
Sa isinagawang imbestigasyon nina Cresencio Ablan, hepe ng BI Anti-Terrorist Unit at Senior Intelligence Officer Rudy David, napansin ng mga ito na yakap ni Sigaroudi ang kanyang hand-carry bag na nang siyasatin ang laman ay tumambad sa paningin ng mga awtoridad ang dalawang tunay na Iranian passports ng mga ito.
Umamin din ang dalawang Iranian passengers na ginamit lamang nilang jump-off point ang Pilipinas sa tunay na destinasyon ng mga ito sa Australia.
Batay sa intelligence report na natanggap ng BI mula sa Federal Bureau of Investigation, nakatakdang magpadala ng ilang miyembro ang international terrorist group ni bin Laden sa Australia, kung saan ang Pilipinas ang gagamiting jumping point sa panibagong hakbang sa paghahasik ng terorismo sa ilang kaalyadong bansa ng Estados Unidos. (Ulat ni Butch Quejada)