Adik nilayasan ng mag-ina nagbigti

Bunga ng kalungkutan makaraang layasan ng kanyang pamilya ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibikti ang isang 25-anyos na umano’y adik, kahapon ng umaga sa Paco, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Jojo Balingit, walang trabaho, tubong Camarines Sur at pansamantalang nakatira sa 1496 Fabie St., Paco, Manila.

Ang biktima ay natagpuang walang buhay ng kanyang tiyuhin na si Levy Castro habang ito ay nakabitin sa kisame dakong alas-9 ng umaga.

Nabatid sa imbestigasyon na may ilang linggo na ang nakakalipas nang mag-alsa-balutan ang asawa ng biktima na nakilala lamang sa pangalang Delilah kasama ang tatlo nilang anak.

Nabatid na sobrang iresponsable umano ang biktima at hindi kayang buhayin ang kanyang pamilya kaya ipinasya ng asawa nito na lumayas na lamang.

Dahil sa labis na kalungkutan ay madalas na nag-iinom ito at umano ay gumagamit ng bawal na gamot hanggang sa tuluyang maaburido at magpakamatay na lamang.

Samantala, ipinahiwatig din ng officer-on-case na si Det. Athos Dequiros na posibleng may foul play din sa pagkamatay ng biktima dahil na rin sa sobrang dami ng galit sa biktima na ini-estafa umano nito sa tuwing mauutusang bumili ng shabu. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments