Ayon sa naging pahayag ni Fr. Benigno Beltran, parish priest ng Smokey Mountain sa may Vitas, Tondo, hindi sumasablay ang may mga namamatay sa kanilang lugar at masakit na katotohanan ay isang sanggol hanggang dalawa kada linggo ang kanilang binibigyan ng huling pagbabasbas.
Sinabi pa ni Fr. Beltran na hindi nalilingid sa kanila ang sinasapit ng mga bata dahil laging idinadaan sa kanila ang mga namamatay na sanggol bago ilibing at halos lahat ay acute respiratory ang dahilan ng kamatayan na kanilang isinisisi sa nakakasulasok na amoy ng tambak ng basura na hinaluan pa ng singaw ng methane gas mula sa lumang Smokey Mountain.
Nabatid na karamihan sa mga namamatay na sanggol ay hindi tumatagal ng ilang buwan dahil sa mabilis na panghihina dahil sa nakalalasong amoy at usok at dahilan upang mangitim ang mga ito bago tuluyang igupo ng salot na epekto ng basura.
Sa nasabing pahayag ay isinisisi ng mga residente ang pamahalaang lungsod sa kapabayaan nito sa suliranin sa basura, partikular na sa paghahakot nito at pagtatambakan. (Ulat ni Andi Garcia)