Nagtalo sa US-Afghan war: Karpintero binurda ng saksak

Isang 26-anyos na karpintero ang nasawi makaraang pagsasaksakin ito ng ka-debate na ayaw pumayag na mauuwi sa World War III ang pambobomba ng US sa Afghanistan kahapon ng madaling-araw sa Navotas.

Kinilala ang biktima na kaagad ding namatay sanhi ng mga saksak na si Arman Pamplona, may asawa at residente ng Sitio Puting Bato, Navotas.

Kaagad namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspek dala ang ginamit na patalim.

Sa imbestigasyon ay nabatid na naulinigan ang biktima at ang suspek na nagtatalo habang naglalakad sa kahabaan ng R-10 Sitio Puting Bato tungkol sa posibilidad na mauwi sa ikatlong digmaang pandaigdig kung di ititigil ng US ang pambobomba sa Afghanistan.

Hindi matanggap ng suspek ang sinabi ng biktima at naringgan na sandali pa ay matatapos din ito.

Sa halip na itigil na ang diskusyon ay iginiit pa umano ng biktima na digmaan nga ang kahahantungan ng pambobomba ng Amerika sa Afghanistan at sa galit ng kadebate ay kaagad na bumunot ng patalim at inundayan ito ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments