Kinilala ni C/Supt. Marcelo S. Ele, Jr., director ng Philippine National Police-Aviation Security Group ang suspek na si Edita dela Peña, na umanoy yaya ng biktimang si Sydney Herrera Reyes na anak ng mag-asawang Emmanuel at Sharon Reyes ng 2288 Leveriza St., Malate, Manila.
Itinuro naman ni Dela Peña ang isang nagngangalang Marichu Reyes (walang relasyon sa biktima), 38-anyos, nakatira sa 1332 Agoncillo St., Malate, Manila na siyang nagdala at nagpaalaga sa bata.
Sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Reowell Fabillore, may hawak ng kaso, nabatid na kinidnap ang bata noong Marso 4, 2001 at dinala ito sa bahay ni Dela Peña malapit sa seawall sa Roxas Boulevard.
Sinabi pa ni Dela Peña sa mga pulis na may hawak umanong papeles si Reyes bilang pagpapatunay na anak nito si Sydney at kaya lang dinala sa kanya ay upang paalagaan habang naghahanap ng trabaho ang huli.
Dakong alas-8:30 kahapon ng umaga, habang namamasyal umano si Jovita Cruz, lola ng biktima, sa seawall, napansin nito ang isang bata na kahawig ng kanyang nawawalang apo.
Kinarga umano ng lola ang kanyang apo at akmang iuuwi na nang mapansin sila ni Dela Peña.
Nagkaroon ng pagtatalo ang matanda at si Dela Peña nang ipilit ng una na apo niya ang bata, subalit isinagot naman ng huli na Paano mo naging apo yan, eh anak yan ni Marichu.
Umuwi umano ang matanda at kumuha ng litrato ng bata, subalit bago bumalik sa lugar, dumaan muna ito sa himpilan ng BTPU upang humingi ng tulong.
Kasama ni Aling Jovita ang dalawang kagawad ng BTPU na nagpunta sa nasabing lugar at binawi ang bata buhat kay Dela Peña, samantalang nadakip din si Reyes sa kanyang bahay.
Kinilala din ni Aling Jovita ang kanyang apo sa isang malaking balat sa kanang binti nito. (Ulat ni Butch Quejada)