Kinilala ni P/Insp. Antonio Paulite, hepe ng Criminal Investigation Division ang biktima mula sa kanyang identification card na si Peter Ramoso, nasa pagitan ng edad 30-35, tubong Surigao del Norte at stay-in worker ng Bambino Construction Inc., sa itinatayong One San Miguel Plaza sa may San Miguel Avenue corner Shaw Blvd., Ortigas Center, ng lungsod na ito.
Sa ulat ni SPO1 Roberto Garcia, imbestigador, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-9:45 ng umaga sa may fire exit ng ika-38 na palapag ng itinatayong gusali ng kapwa niya mga trabahador.
Nagtamo ito ng hindi pa mabilang na saksak sa buong katawan at isang malalim na hiwa sa leeg na halos pumugot sa kanyang leeg. Pinaniniwalaang pinatay ang biktima kamakalawa pa ng gabi dahil sa matigas na ang bangkay nang madiskubre.
Sa pagsisiyasat, nabatid na inumpisahang salakayin ng hindi bababa sa dalawang suspect ang biktima sa ika-42 palapag ng gusali dahil sa tilamsik ng dugong natagpuan dito na tuluy-tuloy sa ika-36 palapag na posibleng dito na siya inabutan ng mga salarin.
Narekober sa naturang lugar ang kitchen knife at isang hindi naubos na sigarilyo sa ika-42 palapag na maaaring buhat umano sa biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)