Unang nadakip si Sadeg Salimi, alyas Sebastian Reyes, may hawak na Philippine passport na umanoy ipinanganak sa Candelaria, Quezon noong Disyembre 10, 1970.
Si Salimi ay dumating sa Pilipinas noong Huwebes ng gabi kasama ang kanya umanong girlfriend na nakilalang si Nympha Reyes Ong, 46, sakay ng KLM flight 879 buhat sa Amsterdam via Bangkok.
Sa isinagawang imbestigasyon, kasalukuyang nakapila si Salimi at Ong sa isa sa mga immigration lane nang mapansin ni Jenny de Vega, isang immigration officer, hawak ang kanyang Phil. passport subalit hindi naman ito mukhang Pinoy na pinagdudahan ng immigration officer.
Nilapitan ni De Vega ang Iranian at binusisi ang pasaporte kaya tinanong ito sa Tagalog ng una para makasiguro.
Subalit hindi naintindihan ng Iranian ang tanong sa kanya at hindi ito nakasagot.
Kaagad na dinala sa interrogation room ang Iranian kung saan napansin ni Cresencio Ablan, ng BI Anti-Terrorism task Force na kamukha nito ang larawan ni Alizera Vafakish Homaee, isang Iranian na ini-off-load ng BI noong Abril 7, 2000 dahil sa pagtataglay nito ng isang vicinity map ng Embahada ng Amerika at mapa ng Cagayan de Oro City.
Sinabi naman ni Salimi na kaya lamang siya bumalik sa Pilipinas ay para magpakasal sa kanyang girlfriend.
Samantala, pinigil din kahapon sa NAIA ang pilotong si Capt. Mohammad Bokhari, ng Saudi Airlines dahil sa kapatid umano nito si Adnan Bokhari na sangkot sa terorismong naganap sa US.
Ang pilotong si Bokhari ay dumating sa bansa kamakalawa ng hapon sakay ng eroplanong Saudia Airlines flight SV-871 galing Jeddah at nanatili ng ilang oras sa tinutuluyan nitong 5-star hotel.
Napag-alaman ng mga awtoridad na ang pangalang ni Capt. Bokhari ay wala sa crew manifest pero ayon sa source talagang hindi itinala ang pangalan nito sa manipesto dahil siya ay isang standby pilot. (Ulat nina Butch Quejada at Andi Garcia)