Driver na nang-aalipusta binoga, patay

Hindi akalain ng isang driver na ang kanyang inalipusta at binabatuk-batukan ang siyang papatay sa kanya matapos itong mapikon at pagbabarilin ang una, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng krimen sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa katawan ang biktimang nakilalang si Alexander Nicolas, 29, ng 469 B. Santos St., Isla San Juan Maypajo ng nabanggit na lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon dakong alas- 3 ng hapon nang pagbabarilin ng suspect na si Inocencio Neri Jr., alyas Topak na residente rin sa nasabing lugar.

Napag-alaman na sakay ang biktima sa isang pedicab nang bigla na lamang harangin ng suspect at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng baril.

Binanggit pa ng pulisya na maaaring nagtanim ng galit ang suspect sa biktima dahil sa madalas siyang inaalipusta at sinasaktan nito.

Matapos ang isinagawang pamamaril mabilis na tumakas ang suspect. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments